> Speeches
 
 
Paglulunsad ng Entrep Eskwela at Sanayang Panghanap-Buhay at Kabuhayan
 

by Eduardo A. Morato, Jr.
(delivered during Entrep Eskwela grand launching at the Folk Arts Theater< Pasay City,
April 28, 2007)

Magandang umaga po sa inyong lahat. Sa araw na ito, ating ipinagdiriwang ang paglunsad ng isang programang nauukol sa inyo, at sa inyong mag-anak, tungkol sa pagpapatakbo ng mga maliliit na kalakalan. Ang programang ito ay ang Entrep Eskwela na aming sasampolan mayamaya. Ang Entrep Eskwela ay nilikha ng ABS-CBN Bayan Foundation at ng Center for Community Transformation, na pinamumunuan ng aking matalik na kaibigan na si Ginang Ruth Callanta. Tinulungan po kami ng mga nagkakawanggawang mga korporasyon gaya ng Citibank, Universal Motors, ABS-CBN, World Vision at iba pa.

 
Ang Entrep Eskwela ay aming dadalhin sa inyong mga komunidad at kapit-bahayan upang maituro ang wastong paghahanap, pagbubuo, pagtatatag, pagpapalakad at pagpapalaki ng mga negosyong maari ninyong pagkakitaan at pagkunan ng tustusing pambahay.

Ang Entrep Eskwela ay naglalaman ng higit sa isang daang mga leksyon na maihahatid namin sa inyong mga bukluran. Ang bawat paksa ay maaring matutuhan sa loob ng isa o dalawang oras. Kung mayroon kayong isang bukluran bawat linggo, kakayanin ninyong alamin lahat ng mga aralin sa loob ng isa o dalawang taon.

Ang mga paghuhusay sa pagnenegosyo na dulot ng Entrep Eskwela ay isinigawa namin sa wikang Pilipino. Gagamit kami ng mga nakakaaliw na pamamaraan gaya ng mga audio-visual na presentasyon, munting dramahan, video clips, mga palaro at palaisipan, talakahayan at kuru-kuruhan. Garantisadong lubos na masisiyahan kayong lahat. Aming isasalin sa wikang Ingles at sa iba’t ibang wikain gaya ng Ilokano, Bikolano, Ilonggo at Cebuano ang Entrep Eskwela upang maikalat namin sa bawat lalawigan ng Pilipinas.

Amin ring sisikapin na ipasok ang Entrep Eskwela sa mga paaralan, mula elementaryo hanggang kolehiyo. Iyan ay upang, maaga pa lang, maisidiwa na sa ating mga kabataan na maaari silang umunlad sa sariling sikap. Hindi nila kailangang mamasukan sa mga malalaking kalakalan dahil sila ay may pagkakataong magtatag ng kanilang mga negosyo. Ang panaginip namin ay sila na ang magiging bagong Jollibee, o Shoemart kaya. Sila na mismo ang magbibigay ng trabaho sa mga kababayan natin.

Sa araw na ito, amin ring inilulunsad ang Sanayang Panghanap-buhay ay Kabuhayan. Ang programang ito ay inyong matitikman mamayang hapon. Magakakaroon tayo ng pagkakataong matutuhan ang culinary arts o sanayan sa pagluluto dulot ng Academy for International Culinary Arts.  Bibigyan din tayo mamaya ng sanayan sa pagsasaayos ng buhok o hairstyling,  mula sa Reyes Haircutters.

Ang tanging pakay ng Sanayang Panghanap-buhay at Kabuhayan ay mabigyan kayo, at ang inyong mga asawa’t mga anak, ng karagdagang kaalaman at kakayanan na maaaring ninyong gamitin sa paghahanap ng trabaho, o di kaya sa pagtatatag ng isang negosyo. Aming inumpisahan na ang programang ito sa tulong ng Trilink Training and Development Corporation. Halimbawa, tapos na kaming magsanay ng 30 tao sa pagsasalita ng tamang Ingles para sa Call Center na nagbibigay ng malaking suweldo. Lima sa 30 ay di-nagtapos sa programa. Duon sa natirang 25, may 20 ang naipasok namin sa trabaho.

Sa pamamagitan ng aming Workers Assistance Program, nagsurvey kami sa mga komunidad kung sino ang gustong makakuha ng trabaho at anu-ano ang kanilang kakayanan. Ang survey na yan ay aming gagamitin upang maki-anib o maki-alyansa sa isang institusyon, gaya ng University of Makati, TESDA at iba pa, upang higit na paghusayin  ang kanilang mga kakayanan. Bukod diyan, kami na rin po ang maghahanap ng nga kumpanyang nangangailangan at naghahanap ng mga magagaling, masisipag at mapagmalasakit na manggagawa. Amin pong ipagtatapat at ipagtatagpo ang mga naghahanap ng trabaho duon sa mga nagbibigay ng trabaho.

Sa loob ng tatlong buwan, aming pagsisikapang ilunsad ang Eskwela sa Bangketa. Ito po ay ang aming “school on wheels”. Bibihisan po namin ang ilang bus o trak upang maghatid ng Sanayang Panghanap-buhay at Kabuhayan sa inyong mga baranggay. Paparada na lang po kami sa isang bangketa upang magturo ng pagluluto, pagpaparlor at paggawa ng mga bagay-bagay na maaari  ninyong pagkakitaan. Halimbawa, yung mga magtatapos sa pagluluto ay maaaring maipasok namin na kitchen helpers sa mga hotel o barko, o di kaya maaaring silang magtayo ng karindireyahan. Kami po ay kasalakuyang  nakikiusap na sa mga sponsor upang maisatupad ang layuning yan. Ang Eskwela sa Banketa ay maglalakbay sa iba’t ibang pook na tinitirahan ng aming mga nanay at pinagpapala ng aming mga kaakbay sa kaunlaran.

Mahal kong mga kasama at kasapi sa CCT at sa Bayan, bakit po natin pinagbubuhusan ng pawis, panahon at salapi ang Entrep Eskwela at ang Sanayang Panghanap-buhay at Kabuhayan? Ayon po sa pagsusuri ng World Bank, labing limang milyong Pilipino ay nabubuhay sa loob lamang ng isang dolyar o limampung piso sa bawat isang araw. Kalahati po ng ating mga kababayan ay nakakaranas ng gutom.

Ayon naman sa Dapartment of Labor, walong milyong Pilipino ay nasa ibang bayan na. Samakatuwid, isa sa limang manggagawang Pilipino na humihigit sa edad na 21 years ay nagibang bayan na dahil walang makuhang sapat na kabuhayan sa Pilipinas. Yun namang naiwang apat sa bawat limang mangagawang Pilipino, sa palagay ko ang karamihan sa kanila ay nagbabalak na ring umalis ng bansa. Para bang nawawalan na ng pagasa ang mga Pilipino sa sariling bayan nila. Duon sa mga nagiibang-bansa, kalahati po ay may taglay na college degree. Ang  kalahati naman po ay may kakayanan o kahusayan sa iba’t ibang trabaho. Ang tawag po dito sa nangyayari sa ating bayan ay brain drain o pagtakas ng ating galing at talino.

Ano naman ang gagawin ng mga naiwan sa Pilipinas? Aasa na lang ba sila na ang isa sa mga kamag-anakan nila ay makapag-Saudi o Hongkong?

Wala na bang hinaharap na magandang kinabukasan ang bayan natin? Mukhang hindi nagtagumpay ang mga malalaking kalakalan at ang ating gobyerno na paunlarin ang sangbayanang Pilipino. Hindi nila kinaya, mula sa taas ng kanilang kinaluluklukan, na paapawin ang kanilang kayamanan upang mapamahagian at mapabiyayaan ang mga nasa ibaba.

Kung hindi kayang manggaling sa taas ang kaunlaran ng Pilipinas, dapat siguro ay maghanap tayo ng pamamaran na umunlad mula sa ilalim papunta sa itaas. Kailangan palaganapin ang pagnenegosyo at pangangalakal sa lahat ng Pilipinong umaasang umunlad at yumaman. Kailangang palawakin ang sakop ng kaalamang panghanap-buhay at kabuhayan sa lahat ng mga nagnanasang umasenso sa buhay.  Kailangan suyurin ang kasuluksulukan ng ating bayan upang ipaabot ang gintuang karunungan at kadalubhasaan na maaaring magbigay pagasa at magpasiglang-buhay sa kapwa nating Pilipino.

Napapanahon na, mga minamahal kong mga nanay at tatay, na mitsahan at sindihan ang kilusang magpapairal ng Entrepreneurship at ng Edukasyon, hindi mula sa itaas kundi mula sa  ilalim. Napapanahon nang ibangon, itayo at itulak ang sambayanang Pilipino upang umunlad sa pamamagitann ng kanilang sariling kakayanan, kaalaman at kahusayan. Sama-sama tayong magtutulungan upang matupad ang pangarap na iyan. Sana’y bigyan tayo ng lakas, dunong at labis na pagmamahal ng Poong Maykapal upang maisagawa ang kanyang layunin sa atin, na tayo’y maging tunay na anak ng Diyos…masipag, magaling, matiwasay ang buhay, mapaghalaga sa kapamilya at sa kapwa-tao, makabayan at maka-Diyos.

Magandang araw po sa inyong lahat.
 
The President's Speeches
 
 
   
 
 
 
   
   
   
   
   
     
Contact Us Careers Site Map - Page Under Construction
Copyright 2008. ABS-CBN Bayan Foundation Inc. All Rights Reserved.